KUNG TAMA ang pagkakatanda ko, nagbabala ang Pag-asa noong isang linggo na maraming ulan ang dala ng noo’y paparating na bagyong Ondoy. Bago pa ng babalang ito, maraming mas naunang nagbigay ng babala. At patuloy na nagbibigay-babala.
Ang mga babalang ito ay masusuma sa isang kanta ng grupong Asin:
“Wala ka bang napapansin sa iyong mga kapaligiran? / Kay dumi na ng hangin, pati na ang mga ilog natin / Bakit di natin pagisipan / Ang nangyayari sa ating kapaligiran / Hindi na masama ang pag-unlad / Kung hindi nakakasira ng kalikasan.”
“Lahat ng bagay na narito sa lupa / Biyayang galing sa Diyos kahit nong ika’y wala pa / Ingatan natin at ‘wag nang sirain pa / Pagkat pag Kanyang binawi, tayo’y mawawala na”
Naalala ko ang kantang ito noong Sabado sa gitna ng unday ni Ondoy habang kami ay naghahanap ng pwedeng madaanan para mai-uwi ko na rin mula sa hospital ang aking anak na may-sakit.
Nakikiramay ako sa lahat ng mga biktima.
At nalulungkot lamang ako kasi mukhang di tayo nakikinig sa mga babala.
Nais kong ibahagi ang isang tulang isinulat ko noong Setyembre 10, 1988, na nalathala sa Diliman Review ng University of the Philippines:
Ang nakita ko sa TV noong setyembre 10
helikopter.
’sandosenang helikopter and dumating
sa mga bayang nakalubog sa baha.
lubog.
lubog na lubog
ang mga bayan sa baha.
ibinaba.
ibinaba mula sa helikopter
ang mga bigas,
saku-sakong bigas.
ipinagulong.
ipinagulong mula sa helikopter
and mga de-lata,
kartun-kartong de-lata.
ipinakain.
maraming ipinakain
na kanin at de-lata.
binusog.
binusog nang husto
ang mga matatanda’t mga batang
nakalutang sa baha.
lutang.
lutang na lutang
ang mga bata’t matatanda sa baha.
nabarahan.
nabarahan ng de-lata’t kanin ang bituka
ng matatanda’t mga batang nakalutang
sa mga bayang nakalubog sa baha.
barado.
barado ang mga kanal
kaya lumubog ang mga bayan
at lumutang ang taumbayan.
babaha.
babaha at babaha pa.
(Published in Remate Tonight, October 1, 2009, page 4)
2 Comments
Hi sir Jimmy!:) Ako po ay isa sa mga sumali noong 35th Regional Secondary Schools Press Conference noong nakaraang September 21,2011 lamang. Nais ko po sana kayong pasalamatan sa lectures niyo. Tunay po kayong mahusay. At napakagaling ng inyong istilo sa pagkuha ng larawan. IDOL:)
-nga po pla sir. di ko po kayo ma-add sa FB. ;( kung maari po sana e kayo nlng mag add kung may oras po kayo:))) mchll_pangan@yahoo.com / Chii Ferreros Pangan
THANK YOU PO ULIT IDOL:]]]]
hi che. naku sorry ngayon ko lang masagot itong sulat mo. yung rspc ba sa ncr itong sinasabi mo?