Skip navigation

ANG MGA DALIRI ng tao at ang galaw nito ay pinag-aaralan nang husto ng mga gumagawa ng kamera. Sapagkat kailangan lapat na lapat sa mga daliri ang mga pangunahing kontrol ng kamera para mas mapadali ang pagkuha ng litrato. Ang disenyo ay tinatawag na ergonomic kapag abot na abot ng mga daliri ang mga pangunahing mga kontrol sa kalagitnaan ng pagkuha. Pwedeng mag-adjust on the fly ‘ika nga. Hindi masyadong nabebenta ang kamerang hindi ergonomic ang disenyo.

Sinasabi kong subjective ang pagkuha ng litrato dahil isang hintuturo lang ang kasya sa pindutan o shutter release button. Ang may-ari ng hintuturo na siyang pipindot ang may desisyon kung kelan kukuha ng litrato. Maaaring sabihin na ang mensahe ng larawan ay mensahe ng hintuturo. Sabi nga ni Alfred Eisenstaedt: “I seldom think when I take a picture. My eyes and fingers react – click.”

Pero gusto kong ibaling ang usapang daliri sa pang-araw-araw na buhay at sa larangan ng pulitika.

Hinlalaki ang ating ipinapakita, tiklop ang iba pa, kapag para sa atin ay okey o aprub ang isang bagay. Sa mga pinuno ng bansa, kilala si dating Pangulong Fidel Ramos sa kanyang hinlalaking nakabukadkad, tiklop ang iba pa. (Sa mga pampublikong okasyon at kapag bumabati sa mga tagasuporta, si Pangulong Arroyo yata ay laging bukadkad ang lahat ng daliri na parang kumakaway—pwedeng nagsisimbolo ng pag-hello kasi dumating o pwedeng nagpapapaalam kasi aalis.)

Hintuturo naman ang ating ipinapakita, tiklop ang iba pa, kapag nagmumwestra tayo ng pangunguna o tayo ay number 1. Paborito ito ng maraming pulitiko kasi sa tingin nila ay sila lagi ang number 1. Kahit kulelat naman sila sa mga sarbey.

Hintuturo at hinlalato naman ang nakabukadkad kapag nagsisimbolo tayo ng kapayapaan. Ganun din kapag tagumpay o victory. Kaya victory sign ang tawag sa mwestrang ito.

Ang hinlalaki at hintuturo na nakabukadkad, tiklop ang iba pa, ay matagal nang simbolo ng paglaban bago pa ito ginamit ng dating Pangulong Aquino. Laban ng Bayan kasi ang partido niya noong nag-snap eleksyon noong 1985 kung saan lumaban siya kay dating pangulong Marcos.

Ito rin ang iminumwestra ngayon ni Senator Noynoy. At ginagamit na din ni Senator Mar. (Bulong ng katabi ko, di ba pwedeng Luisita para kay Senator Noynoy at… lovelife para kay Senator Mar?)

Ang payo ko lang na hindi hinihingi, kailangan mag-iingat sila. Dapat matikas na L. L na L dapat ang pagmwestra nila. Sapagkat kapag nahilig, katulad ng napitikan ni Rudy Rabulan kamakailan, korteng V na ito at ito ang simbolong kilala na ginagamit para kay Senator Manny Villar.

E, nasan ang hinlalato? A, lalong sumikat ito noong nakunan ng litrato si dating presidential adviser, ngayo’y congressman Teddy Boy Locsin na nakabukadkad ang hinlalato, tiklop ang iba pa. Ginawa niya ito para sa mga empleyado ng San Miguel na nangantiyaw sa kanya. “I gave as good as I got,” sinabi niya pagkaraan.

Sa mga pulitikong nambobola lamang, mag-iingat po kayo taumbayan na nakabukadkad na hinlalato, tiklop ang iba pa. Maraming mensahe na kayang iparating ng mga daliri.

(Published in Remate Tonight, September 24, 2009, page 4)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.