Skip navigation

KUYA, ANO PO ang paborito ninyong modelo ng kamera? Ito ang madalas itinatanong ng mga kabataang nahihilig sa photography at nagpaplano nang bumili ng sariling kamera.

Ang biglang sagot ay ito: Kahit ano, basta ka­yang makabuo ng litrato. Ang sabi nga ng kumpare kong si Nico (na nasa Sri Lanka ngayon) wala yan sa pana kundi nasa Indyan.

Pero isusunod ko ang ganito: Lahat ng gumagawa at nagbebenta ng kamera ay sinasabi nilang pinakamaganda ang gawa at benta nila. Maraming pahina ng dyaryo, mahabang oras sa radyo at telebisyon ang inuubos para makaengganyo na bilhin ng mambabasa ang produkto nila. Syempre iyayabang nila ang good features ng produkto nila; at madalas tahimik sila sa kahinaan nito.

Kaya mahalagang mabusisi ang anumang balak bilhin na kamera. The devil is in the details, ‘ika nga. Ang demonyo ay nasa detalye.

Ang isa pang mahalagang alamin ay ang after-sales service. Paano kung may sira? Paano kung masira? Saan ipagagawa? Saan malapit? May gagawa ba? May qualified technician ba? May pyesa ba? Gaano katagal gawin? Kung walang pyesa at matagal gawin, may replacement ba? Magkaano? Sa madaling sabi, ano ang sakop ng warranty? Kung may warranty? Parts? Service? Kailangan mabusisi sa pagtatanong ng mga ito. Ang demonyo ay nasa detalye.

Ngayon, ang camera ay katulad din ng maraming gamit sa buhay na ibi­nebenta at binibili.

Pero ibaling natin ang usapan sa pulitika, sa mga pulitiko. Tutal umiinit na ang halalan para sa 2010. Kumawala na ang mga kabayo!

Ibinebenta na ng mga kandidato ang kanilang sarili. Ipinapangalandakan na nila ang kanilang adyenda. Syempre, yung magagandang gagawin nila ang bukambibig nila. Iniyayabang na ng mga tagabenta nila ang good features ng produkto nila; at tahimik sila sa kahinaan ng mga ito. Kaya mahalagang mabusisi ang anumang balak bilhin na kandidato. Ngayon palang. The devil is in the details, ‘ika nga. Ang demonyo ay nasa detalye.

At hanggang bibilhin na natin sila, iboboto.

Pero paano kapag natapos na ang eleksyon at nanalo sila? At yun pala sila ay sira, o ang kanilang plataporma ay may sira? O sinira na ng mga briga­dang tagabulong? O ng kamag-anak? O ng kaibigan? O ng kapamilya? O ng kapuso? O ng sino mang pinagkakautangan noong kampanya? Sa madali’t sabi, ano ang accountabi­lity ng mga nanalo?

Saan magsusumbong? Saan ipapaayos? Paano papalitan? Sa pulpito? Umasa ka. Sa tanod? Umasa ka. Sa pulis? Umasa ka. Sa Ombudsman? Umasa ka pa. Sa Civil Service? Umasa ka. Sa Comelec? Umasa ka. Sa korte? Umasa ka. Sa Edsa? Umasa ka.

Kamera man o pulitiko ang bibilhin, kailangan busisihing mabuti ang ibi­nebenta.

Sapagkat ang detalye ay nasa demonyo.

(Remate Tonight, September 22, 2009, page 4)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.