NOONG NAGDEKLARA ng intensyon si Senator Simeon Benigno “Noynoy” Aquino na tatakbo (o lalaban) siya sa presidential election sa 2010, naalala ko bigla ang isang masaker na nangyari sa malapit sa Malakanyang. Ito ang kilala na ngayon na Mendiola Massacre– 13 magsasaka ang patay, mahigit 40 ang may tama ng baril at libo ang sugatan. Enero 22, 1987 nangyari ang masaker na yun.
Noong araw na yun, sa pamumuno ni Jaime Tadeo, mga 12-15 libong magsasaka mula sa iba’t ibang probinsiya ng Gitnang Luzon at Timog Katagalugan at tagasuporta nila ang nagmartsa mula sa Ministry (ngayo’y Department) of Agrarian Reform sa Elliptical Road sa Quezon City, dumaan sa kahabaan ng Quezon Avenue hanggang Liwasang Bonifacio sa Maynila. At mula doon, nagtungo sina Ka Jimmy sa Claro M. Recto, bukana ng tulay ng Mendiola.
Sa lugar na yun nang mga oras na yun, naroon na rin ang mga anti-riot sa pamumuno ni Capital Regional Command commander Gen. Ramon Montaño at mga pulis na kabilang sa Western Police District na pinamumunuan ni dating Chief Brigidier General Alfredo Lim, na ngayo’y mayor ng Maynila.
Tunay na reporma sa lupa ang ipinaglalaban ng mga magsasaka sa martsa. Lupang libingan ang ibinigay sa mga biktima ng masaker.
Syempre, batid ninyo na ang yumaong Corazon Aquino ang pangulo ng bansa noong nangyari ang Mendiola Massacre.
Pero sa ngayon, hindi ko pagtatangkaan na magbigay ng opinion tungkol sa Mendiola Massacre. Mas gusto kong banggitin ang naging takbo ng coverage ng mga photographer na naroroon.
Sa bawat coverage, naninimbang ang photographer sa pagitan ng moral at professional obligation. Lalo sa panahon na may patayan na nangyayari, nasa dilemma lagi ang photographer kung kukuha siya ng litrato o hindi at tutulong siya sa namamatay o gagawa ng paraan para matigilan ang pagkasakatuparan ng pamamatay. Nasaan ba ang linyang naghahati dito?
In the line of duty, where is the line? Mahirap sagutin ang tanong na ito. Marami pang ibang bagay ang magtatakda kung ano ang tamang tunguhin ng coverage sa mga pagkakataong ito.
Noong mayroon nang mga sugatan at patay mula sa hanay ng magsasaka, biglang nag-usap-usap ang mga photographer na naroon– salitan ang pagkuha ng litrato at pagbuhat sa mga may tama ng baril para isakay sa mga jeep na magdadala sa ospital.
Focus, buhat. Pitik, tulong. Rewind, buhat. Click, tulong, buhat. Ang buong Mendiola at Claro M. Recto sa buong panahon na yun ay nalalambungan ng tear gas. Syempre di naiwasan na may mga kuhang litrato sa mga photographer na pansamantalang tumigil sa professional obligation para magampanan ang moral obligation.
Ay, Noynoy.
Ay, Mendiola Massacre.
Ay, Enero 22.
Ay, buhay photographer.
(Published in Remate Tonight, September 17, 2009, page 4)
One Comment
Jimmy,
grabe ang haba na ng feedback! congrats! ilang araw lang ako hindi nagcheck ah.