SAYANG. SAYANG TALAGA. Hindi ako nakapunta doon sa pagbubukas ng World Press Photo Exhibit sa SM The Block noong isang buwan. Binalak ko pa naman na pumunta at nang makamayan si Secretary Jesli Lapuz ng Department of Education.
At pagkatapos kong kamayan, magpapakilala ako at ibubulong sa kanya ang isang bagay. Isang bagay na matagal ko nang gustong iparating sa kanya. Isang bagay na may kinalaman sa photojournalism. Isang bagay na may kinalaman sa mga public school campus journalists.
Ito sana ang ipaparating ko:
Secretary, binabati ko po kayo sa pagpapatuloy ng mga secondary press conference sa buong bansa. Sa tantya ko po, batay sa karanasan bilang naimbitahang lecturer at contest judge sa ilang lugar, lalo pong gumaganda ang proseso. Napakagandang extra-curricular activity po talaga ito ng mga istudyante. Mas maganda kaysa sila ay magawi sa droga o iba pang anti-social na gawain. Mas masustansiya kaysa pagkain ng noodles lang ang nakukuha ng mga istudyante sa mga press conference na ito.
At padami nang padami ang mga istudyanteng gustong maging journalist at photojournalist dahil nakikita nila ang mga layunin at tunguhin ng proyektong ito. Sa mga gustong maging photojournalist, nakikita ko na may masidhi silang passion para sa propesyong ito bagamat sila ay nag-aaral pa lang.
Sa gabay ng kanilang mga masisigasig na adviser, patuloy silang nag-aaral sa photography at photojournalism hindi lamang para sa mga paligsahan (na may kasama na ring pa-bwenas na makapag-byahe) kundi para sa lalong pagbibigay ng laman at sustansiya sa kani-kanilang mga school paper. Na para na rin sa mga kapwa nila istudyante at sa kanilang komunidad.
Ah, kaya lang po, Secretary, baka po sa kategorya ng photojournalism, pwede na pong digital camera na ang ipagamit sa mga campus photojournalist? Parang karamihan po sa mga istudyante ngayon ay may mga digital camera na. O mas madali na silang makahiram ng digital camera sa kamag-anak o kaibigan.
Syempre, alam naman po ninyo Secretary na mas tipid kapag digital camera. Hindi na bibili ng film. Hindi na magpapa-develop ng film. Magpapa-print nalang ng digital files para mai-lay-out nila. At marami pang benefits ang paggamit ng digital camera kaysa film camera.
Sa naririnig ko po Secretary, parang sinasabing di pa ma-kontrol ang posibleng pandaraya kapag digital camera ang ipapagamit sa mga estudyante. Pero palagay ko naman po kayang-kaya ninyong ikampanya na hindi maganda ang pandaraya.
At saka Secretary, kung kailangan po ninyo ng technical assistance kapag digital camera na ang gagamitin ng mga campus photojournalist, pwede pong tumulong ang grupo namin, ang Philippine Center for Photojournalism. Nandito lang po kami, Secretary.
Sayang, sayang talaga. Hindi ako nakapunta sa exhibit. Hindi ko tuloy ito nasabi kay Secretary Jesli Lapuz ng Dep-Ed.
(Published in Remate Tonight, September 15, 2009, page 4)
One Comment
….wow!!I think digital camera is useful to the people. I think I preferred to use of campus journalist is digital camera because nowadays, modern technology improves for the progress of our country. Today, gadgets are hi-tech like cellphone, digital camera, computer etc. There are many benefits of using digital camera rather than the ordinary camera.